Katuturan

Isang tanong ang bumulaga sa aking paggising, 

“Para kanino ka gumigising?”

Napaisip ako, at nagulat, 

“Umagang-umaga yan agad ang tanong?” 

Pero pinag-isipan kong mabuti kung para kanino nga ba

Walang mahagilap na ngalan sa aking isipan,

Walang anino, ni taong nagpakita o nagprisinta 

“Wala ata” ang aking naturan,

“Bakit ka pa nabubuhay?” tanong nya, 

Nagulat na naman ako sa tanong niya, 

At napaisip na ren, “Bakit nga ba?”

Napatayo na ako sa aking kama at naligo

Habang lumagalaslas ang tubig sa aking katawan naramdaman ko ang isang malaking butas

“Para saan ang lahat ng ito?”

“Kung wala rin lang kahulugan, ano pang dahilan?” 

Iniwan ko siyang bitin sa mga kasagutan,

Hindi ko rin siya masagot, bilang ako man ay naguguluhan

Lumabas ako ng bahay at tinignan ang kapaligiran

Nakita ko ang mga tao, kahit mahirap, may mga determinasyon sa mukha nila.

Silang lahat ay nabubuhay, samantalang ako’y naririto lamang

Buhay pero walang dahilan

Tumingin na lang ako sa langit at nagdasal

“Bigyan mo Panginoon ng katuturan ang lahat ng ito”

Butong hininga ko na lamang itinuloy ang araw at pilit kinalimutan ang sandaling ito

Bukas, sana hindi na sya magtanong muli. 

Sana kung magtanong man siya, may maisagot na ako

Alam ko isang araw, magkakaroon din ng katuturan ang lahat ng ito.

 

Others

Bag

Eto ako papasok ng opisina
Dala ang aking tatlong bagahe
Araw-araw ganito ang aking eksena
Sa opisinang malayo, 3 bagahe
Isang backpack, isang shoulder bag, isang bag na pang jog/aikido

Isang araw ako’y nakaramdam ng hindi maayos
Inakalang ayos lang ang lahat, kaya ko lahat ng dalahin
Hindi pala, inakala ko pang iba ang kadahilanan nito
Kumpirmado ng doktor ang sanhi at kailangang gumawa ako ng aksyon
Kailangang pagaanin ang dala
Hindi pwedeng lagi na lang mabigat, hindi ko kaya

Simula sa susunod na buwan, magpapalit na ako ng bagahe
Magbabawas ako ng dalahin
Hindi ko kailangang dalhin lahat
Alam ko ba kung anong dapat ibawas
Kaya ko to
Malalagpasan ko din ang sakit
Masasanay na din ako sa kagaangang loob
Kaya ko to

Arch enemy

Eto ka, nasa gitna ng kagubatan
Hawak ang iyong espada,
Pinakikiramdaman ang kapaligiran
Isang kaluskos ang narinig sa likod
Nilingon mo ito at sinugod
Matagal-tagal mo na rin siyang hinihintay
Eto na ang pagkakataong malupig siya
Nagulat ka at may tinamaan ang pagkakahawi mo sa iyong espada
Eto na siya, ang iyong kaaway
Matindi ang galit mo sa kanya
Kaya gigil na gigil na inumang mong uli ang iyong espada sa kanya
Paglingon nya’y nagulat ka,
Hindi mo ito inaasahan,
Mukha mo ang tangan ng kanyang mukha
May dugo sa mukha’y ngumiti sya sa iyo,
Isang nakakatakot na ngiti,
At humalakhak ng malakas,
Hindi ka makakilos sa nakita,
Hindi mo na napansin, sinugod ka na pala niya
Gamit ang espada mong nahulog
Nasaksak ka niya sa dibdib
Nanalo siya
Nanalo siya

Na-ugtog

Pagising ko, naramdaman kong parang may bukol ang ulo ko. Grabe, late pa ako nagising. Tapos parang napasabak ako s matinding bakbakan ksi napakabigat ng katawan ko. Napaisip tuloy ako kung anong nanyari, wala naman akong maalala.. Hanggang ngaun masakit pa rin ung tama s ulo ko.. Di ko maihiga s unan ksi talagang kumikirot. Napaisip tuloy ako, siguro nanaginip ako tapos inuntog ako s panaginip para bumalik s realidad. Gusto ko tuloy malaman kung anong nangyari dun..

Haay.. Bigla akong napaisip s buhay ko ngaun, ang hirap mabuhay s realidad ko. Ewan ko ba kung saan ko huhugutin ang mga masasayang alaala.. At saan pa ako kukuha. Sa tingin ko lagi ko na lang ginagawang malungkot ang sarili ko, parating nagkukubli s panaginip para kumuha ng mga bagay na hindi ko makuha s totoong buhay. Mahirap mabuhay s realidad, napakahirap abutin ng lahat.. Pero kapag lagi ka lang mananaginip pwede ka ding ma-ugtog at ang bukol ay dadalhin hanggang s paggising mo…. At lagi mong dadalhin ang sakit hanggang sa maghilom ito..

Maghihilom siguro to pag natanggap ko na ang katotohanan ay dapat isabuhay s kasalukuyan at hindi sa panaginip.

Sana nga….

May 28, 2007

Intersection

Ako ay isang traffic officer, isang gabi ng aking shift ay naassign ako sa gitna ng isang intersection. Matapos ang ilang minuto, nagulat na lang ako nang binubusinahan na ako ng mga sasakyan sa lahat ng direksyon, pinipipilit na sila ang unahin ko. Trapik lahat ng direksyon… Kasalanan ko ba ito?

Kailangan kong gumawa ng desisyon, natataranta na ako. Sa mga ilaw at busina nila, nahihirapan akong gumawa ng desisyon. Hanggang sa mapatingin ako sa isang sasakyan. Malapit ito sa akin, napansin kong patay ang mga ilaw nito at ito lamang ang hindi bumubusina sa akin. Nilapitan ko ito, nagtatakang bakit patay ang lahat ng ilaw nito tila d na narinig ang iba pang sasakyang nag-iingay sa paligid.

Kinatok ko ang bintana nito. Bakit parang hindi ako nadidinig ng driver? Sinabayan ko na ng sigaw ang pagkatok ko sa pintuan. Wala pa rin. Medyo tinted ang sasakyan, tinignan ko ang loob, sinubukan kong silipin sa pamamagitan ng pagtakip ng dalawang kamay ko sa gilid ng mukha ko, pilit na idinidiin ang mukha sa salamin. May isang mama pala sa loob, nakatingin sa malayo. Nakatulala. May luha ang isang mata na nakaaninag sa akin.

Sinubukan kong sirain ang pinto, upang buksan ito. Maya-maya pinilit kong silipin sya para tignan sya, nakatingin na sya sa akin ngayon, nakakatitig ang kanyang mga luhaang mata sa akin. Nagpatindi ito ng aking mithiing buksan ang pinto. Ginamit lahat ng gamit na mahahagilap ko sa katawan ko. Napansin kong lumakas ang busina sa paligid, pero itinuloy ko ang pagbubukas ng pinto.

Maya’t-maya ay nabuksan na rin ang pinto, isang katawan ang bumulaga sa akin. Huli na ang lahat. Naiyak na lang ako sa aking nakita. Niyakap ko ang lalaki ng mahigpit. Humiyaw ng malakas. Narinig ko ang alingawngaw ng aking sigaw.

Tahimik na ang buong paligid. Wala na ang maingay na busina ng mga sasakyan, wala na ang mga ilaw na nakakasilaw, napaligiran na ako ng katahimikan at kadiliman. Binuhat ko ang lalaki at ipinatong sa aking mga braso. Sa aking pagkagulat ay lahat ng sasakyan ay nagsipagalisan at umikot. Bago pa ako nakalingon ay wala nang mga sasakyan.

Ako na lamang at ang lalaki sa aking braso, papalayo sa intersection. Lumayo na ako sa aking kinapupwestuhan, hindi na inisip kung may mga susunod pang mga sasakyang muling magdaraan sa intersection na iyon.

Mas kailangan ako ng lalaking ito kaysa sa intersection na yan.

Sabay takbo palayo. Palayo. Palayo. Walang sasakyang sumasalubong sa akin sa kalyeng napiling daanan. Babalik pa ako, di muna ngayon.

Di muna. Bahala na.

 

June 22, 2008

Are we there yet?

Nakakainis… Bakit parang hindi ako makahakbang? Kumbaga sa byahe, nastuck ako sa trapik. Ang nakakatawa kita mo kung sino at ano ang nagpapatrapik sa yo pero wala kang magawa, kailangan mong bantayan ang mga gamit mo. Hindi ka makaalis, lahat ng kasama mo sa sasakyan, hindi makaalis, walang makatayo sa kani-kanilang upuan.

Napapasambit ka na lang ng isang mura mula sa pwesto mo, “Pu*****inang trapik yan! Kelan ba matatapos?”. Nilalakasan mo na lang ang boses mo para lang mawala ang inis mo sa dibdib mo. Wala kang magawa, kahit tignan mo ng masama yung mga nagpapatrapik, nginingitian ka lang nila pabalik. Parang wala lang, walang naaabala sa mga pinaggagawa nila.

Sa upuan mo, gustong gusto mo nang sunggaban sa leeg yung mga nagpapatrapik. Gusto mo nang ikaw ang makaayos ng sitwasyon. Sa inis, kinukutusan mo ng malutong isa-isa yung mga taong iyon sa isip mo.

Ayaw mong mainis pero heto ang sitwasyon ang nagtutulak sa yo na ilagay ka sa silakbo ng galit. Ngayon, ayaw mo nang tignan ang mga pangyayari. Tumingin ka sa likod at nawala ang lahat ng gulo sa paligid, nakita mo ang iyong paroroonan. Maganda at maaliwalas, maginhawa.

Sabay nabunggo ka ng isang taong bumaba, nabalik ka na naman sa katotohanan ng kinalalagyan mo. Mainit at maalinsangan.Imbes na nakarating ka na dun, andito ka’t nasusunog sa init.

Ang katotohanan minsan masakit, hindi mo alam kung dapat mo bang tanggapin. Minsan masarap na magpakulong ka na lang sa imahinasyon ng katotohanan na dapat ay hawak kamay mo na pero hindi pa rin ibinibigay sa yo dahil sa mga nagpapatrapik na yan.

Kung ako lang, kung walang batas. Matagal nang nakutusan yang natatrapik na yan. Isang malutong na kutos, yung tipong lahat ng enerhiya ko binigay ko na. Baka sakaling maalog ang utak nyan, at umayos.

 

August 27, 2008

Disconnection Notice

Minsan, di talaga maiiwasan ang makatanggap ng disconnection notice. Ito yung karaniwang papel na matatanggap mo kapag hindi mo bayaran ang isang bagay (mapakuryente, tubig, internet connection, cable… etc.), sa itinakdang petsa ng kabayaran. Karaniwang ipinapadala ito na iisa lang ang pahina, at in letter format.

Dati naalala ko, kapag nakakatanggap kami nito, nalulungkot na ako. Ang mga sulat na yan ang nagpapaalala lang sa amin na wala na naman kaming pera. At kapag wala na kaming pera, uuwi na lang ako sa bahay na madilim sa gitna ng kalye na puno ng liwanag. Tapos ang nanay ko, nakaupo na lang sa gitna ng aming sala, nakasimangot. Mga hindi magandang mga alaala ang kasukbit ng sulat na yan.

Ngayon, ngayon, sa hirap ng buhay nakakatanggap na naman kami ng disconnection notice. Kung san san dito sa Pilipinas, sigurado, di ako nag-iisa. Minsan parang gusto mo na lang hayaan na maputol ang isang serbisyo, wala kang magawa kasi wala ka namang perang pambayad.

Minsan kapag nakasanayan mo na ang isang bagay, talagang gusto mong gawan ng paraan para hindi maputol o mawala sa yo. Kahit mabaon ka na sa utang, basta andyan masaya ka na. Kalabisan minsan, at kung mapapansin, minsan, wala nang saysay at huwisyo parang garapalan na, pero, basta masaya lang ayaw mong bitiwan. Hindi naman sa mamatay ka kapag wala na yun, pero alam mo pag wala na yun sa yo, mahirap masanay nang wala na yung kung anu man ang naputol. Para ka nang kulang.

Maraming bagay sa mundo talaga ang mahirap pa rin tanggapin. Lalo na ang pagbabago, alam ko ako ang taong madaling makatanggap ng isang disconnection notice. Lalo na kung alam mo na yung pakiramdam, katulad nang makauwi sa nag-iisang madilim na bahay sa gitna ng kalyeng maliwanag. Kapag ganun, lagi kong iniisip na sana brownout na lang sa buong kalye pag naputulan kami ng kuryente para hindi halata. O kaya sana manalo ka na lang sa lotto para pwede mo nang bayaran yun at pwede mo pang bilhin pati yung kumpanya ng kuryente.

Mahirap hanapan ng liwanag ang sitwasyon ng mga taong nakakatanggap ng sulat na yan, sa ngayon. Hindi kasi madaling solusyon yung uutang ka para mabayaran, eh yung mabayaran nga lang sya sa tamang petsa mahirap na, eh yung mabayaran pa. Kaya mahirap.

Kung ikaw, ano ba ang tamang gawin? Gumawa ng drastic measures para mabayaran yun at hindi mawala? O hayaan mo na lang maputol, pakabit ka na lang sa iba na maaring mas mura, pero matagal pa bago mabalik ang serbisyo para hindi na sumakit ang ulo mo sa kakaisip. O tumira ka na lang sa ibang bahay, makakatulog ka siguro ng mahimbing dun dahil sigurado buhay angelectric fan pero hindi naman sa inyo.

Haay.. ang hirap maging tao. Sana bumalik na lang tayo sa panahon ng mga barok at nang lahat tayo ay mabuhay na lamang sa barter trade at walang gaanong pinoproblema. Tsk tsk.

 

Jan 28, 2009

Moving Forward

You go to work. You commute. You look at all the people riding the vehicle you are in. All faceless people. You wonder why but you don’t care.

You arrive at the office. You sit down, open your computer, look at the monitor. It lights but you can’t see anything. You type and yet nothing is shown on the screen.

You do this the whole day until 5pm. You go home. You eat but you can’t taste the food but still you get another bite and eat more. You eat even if there’s no call of hunger . You eat until you cry.

You sleep. Thinking this might end it all. But you wake up in the morning wondering why you are in the same date as yesterday. None of this doesn’t seem to stop.

But in the morning, you still managed to get up on your bed. Get to shower. Go to work and do the same things.

In the middle of it all, you realize what gets you going is the hope for a better tomorrow. Waking up in another date and another place. Even if it takes you a lifetime to do this, you know that all of it will come true.

Some day to look forward to.

 

Jun 2, 2009

Sapatos na Ginto

Lumaki akong walang sapatos. Sabi ko noong bata pa ako, paglaki ko, makakapagsuot din ako ng sapatos. Kaya tiniis ko ang pagsusuot ng tsinelas at minsan nagyayapak kapag bumibigay na ang tsinelas na napupulot ko sa basurahan.

 

Isang araw, parang sinagot ng Diyos ang dasal ko. May isang taong nagtapon ng isang pares ng sapatos. Ang sapatos, bagong-bago pa, walang sira, di lang siguro nagustuhan ng may-ari kaya itinapon.

 

Tuwang tuwa akong umuwi. Ibinida ko agad ang aking bagong sapatos. Natuwa ang lahat sa nakamit kong swerte. Inalagaan ko ng mabuti ang sapatos. Minsan, hinihiram din ng mga kapatid ko ang sapatos na pulot. Tuwang tuwa ako tuwang tuwa din sila.

 

Isang araw, pagtingin ko sa salamin saka ko napansin na di pala bagay sa akin ang sapatos. Ngayon ko lang naisip tumingin sa salamin, bakit di ko nakita ito? Nagmukha lang pala akong tangang kasusuot nito? Naisip ko.

 

Ngayon naisip ko kung anong gagawin ko sa sapatos. Ngayon ko lang natanong ang sarili ko kumbakit ibinigay sa akin ang sapatos na ito, nagmumukhang basura ang sapatos kapag suot ko.

 

Ako ang naaawa sa sapatos, sana magkita kami ng may-ari, ibabalik ko ang sapatos nya. Di dahil sa ayoko na sa sapatos, dahil napagtanto kong di lahat ng ginugusto natin ay bagay sa atin.

Ngayon alam ko na. Nakakalungkot. Pero kailangang tanggapin.

Blog at WordPress.com.